Tuesday, November 24, 2015

TANGA KA NGA BA?




by: John Edward Despe

Naglalakad ka lang natapilok ka pa
Naglalakad ka lang nabunggo ka pa
Naglalakad ka lang masususgatan pa
Matatawag mo ba ang sarili mong tanga?
O sadyang may kulang lang talaga?

Hindi ka naman talaga tanga! Tao ka!
Ang tao daw, makasalanan
Ang tao daw, nagkakamali
At ang tao daw, may kakulangan 

Pero ang pagkakamali, di dapat suklian ng isa pang pagkakamali
Kung kaya't ang pagkukulang,
huwag suklian ng pagkukulang
Maaring ito'y maging mitsa ng isang pagkakamali
Na kailan man di na mapapawi. 

Hindi ka naman talaga tanga! Tao ka! 
Ang tao daw, marupok
Ang tao daw, madaling matukso
At ang tao daw, madaling magkagusto

Pero hindi naman lahat ng gusto mo makukuha mo,
Sadyang may mga bagay na hindi lang talaga para sa'yo
At may mga bagay din naman, na kung sa'yo talaga
Hindi mo man bigyan ng halaga, pilitin mang alisin sa ala-ala
Ito'y laan at para sa iyo talaga.

Hindi ka naman talaga tanga! Tao ka!
Ang tao daw, manipis
Ang tao daw, maramdamin
At ang tao daw, iyakin

Pero hindi ang pagbagsak ng luha mo
Ang huhusga sa pagkatao mo
At lalong hindi ang pagkabasa ng unan dahil sa luha mo
Ang magsasabing ika’y walang modo,
At walang puwang sa mundo.

Hindi ka naman talaga tanga! Tao ka!
May kulang lang talaga!
At lagi mong tandaan
Ika’y nilikha hindi para magpakatanga
Ika’y nilikha upang baguhin salitang tanga

Friday, November 20, 2015

ITANONG MO SA AKIN KUNG BAKIT



by: John Edward Despe
Pamilyar ka ba sa tinatawag nilang O.T. o Old Test? Ang lumang dokyumento ng mga nakaraang paexam ng mga instructors na patagong kumakalat sa bawat indibidwal.  Ito ba yoong pinagkakaguluhan tuwing exam, may quiz, o may pagsusulit? Gumagamit ka ba nito? Umaasa ka ba dito? At Hinahanap-hanap tuwing palapit ang pagsusulit?
            Gipit, naghahabol ng grades, gustong pumasa, at ayaw bumagsak ay ilan lamang sa mga dahilan ng paggamit ng O.T. Natanong mo na ba sa iyong sarili kung bakit ko ba ito tinatago? Bakit ko ba ito pilit na sinisikreto sa madala? Masama ba talaga ang gumamit ng mga old test? Bakit nga ba?
 Ito ba ay iyong sinisekreto at natatkot kang malaman ng iyong guro na mayroon ka nito? O ang pangamba’y nanggagaling sa iyong isip na kung makikita niyang inaaral mo ang mga nakaraang pagsusulit ay maging mitsa nang pagiisip na hindi na magulit ng isang pagsusulit? O baka naman natatakot kang makutya na kaya ka lamang pumasa ay dahil sa O.T.
Kung ating pag-ninilayan, ito’y hindi masama. Bagkus ito ay iyong inaaral, pinagpupyatan upang intindihin at nagbabakasakaling ito lumabas sa pagsusulit. Ang O.T ay nagsisilbing kuhanan lamang ng ideya kung paano ba ang isang pagsusulit. Kung kaya’t hindi ito maikokonsiderang pandaraya. Hindi mo din naman hawak ang lalabas na tanong sa pagsusulit kahit may hawak ka na O.T.
            Sa inyong palagay, bakit nga kinakailangan ito’y isikreto at itago? Masama ba ito? Itanong mo sa akin kung bakit.
Hindi masama kung ginagamit ito sa tamang paraan! Ngunit paano ba ito gamitin ng tama? Paano ba magmumukang may dangal ang paggamit nito? Paano mawawala ang kaba na mahuli ka na mayroon ka nito?
            Limitasyon ang tugmang salita upang ipaliwanag ang punto sa pagiging legal at may dangal ang paggamit ng nasabing lumang dokyumento. Ang O.T. ay hindi natin kailangan abusuhin tulad na nga lang pagkabisa sa sagot at hindi pag intindi dito. Ang paggamit nito bilang kodigo ay hindi makatarungang pamamaraan sa O.T.
            Lagi nyong tandaan, tayo’y estudyante lamang na gumagawa ng paraan kung saan magiging madali ang ating pagaaral. Ang O.T. ay isang maliit na bagay na hindi huhusga sa ating pagkatao. Gamitin ng tama, iwasang mandaya!

MAHALIN MO


by: JOHN EDWARD DESPE


Sadyang dadating at dadating sa buhay natin
yung makakakita ka ng couple at tatanungin
sa sarili kung "asaan yung para sa'kin?"
Sabi nila, “hindi daw hinahanap yung taong iibigin”
Pero wala naman sinabing “bawal piliin ang dapat mahalin”

Kaya nga sabi ko sa sarili ko:

Mahalin mo yung taong may pangarap
Para sa inyong hinaharap
Iwasan mo yung taong ikaw lang ang pangarap
Dahil baka sa huli ika’y makaramdam ng hirap

Mahalin mo yung taong walang oras
Walang oras na inaaksaya’t pinalilipas
Yung taong, kung magsikap ay parang wala nang bukas
Dahil hangad n’yang sa iyong mukha, ngiti ay mamalas

Mahalin mo yung taong maingay
Para bigyang kulay ang tahimik mong buhay
Mahalin mo yung taong nakikipagaway
Makikipagaway huwag ka lamang mawalay
Yung ipaglalaban ka!
Yung ipagsisisgawang ika’y sakanya!

At sa huli

Mahalin mo yung taong nagpaiyak sa’yo
Iyak na tunay ang ligaya’t pagsinta
Mahalin mo yung taong nagpaiyak sa’yo
Iyak na pumapawi sa bigat na nadarama.

Nais ko sanang makitang ika’y lumuluha!
Oo! Sige lang iiyak mo lang
Iiyak mo hanggang sa mabasag ang sakit sa dibdib
Iiyak mo hanggang sa lumabas …
Lumabas ang tinik na matagal nang nakatanim
Iiyak mo lang , iiyak mo lang, iiyak mo pa…
Iiyak mo lang hanggang ika’y mahimbing
At nang sa iyong paggising
Makita mo ang liwanag sa dilim

Sabi nga nila, wag ka daw magmahal ng buo
Nang kapag nawala ika’y hindi gumuho

Kung kaya't iyong alalahanin
Mahalin mo muna ang SARILI mo
Bago piliin ang taong mamahalin mo.