O kay lamig, o kay init,
Pabago-bagong panahong sambit,
Bakit kaya mundo'y tila may galit
Labis na paghihinagpis kanyang giit
Sakuna at pighati lubhang paulit-ulit
Mahabaging kalikasan lubhang ika'y nagagalit?
O kay lamig, o kay init!
Reklamo ng nakararami,
Bakit hindi tanungin ang sarili
Kanino dapat isisi?
Ito ba'y ganti lamang ng kalikasan,
O dahilan ay hindi ito iningatan?
O kay lamig, o kay init!
Init ng ulo'y pinaiiral sa gitna ng kaguluhan
Walang tigil na bakbakan!
Walang tigil na patayan!
Bakit hindi bigyang pansin
Ang kawawang bayan!
O kay lamig, o kay init
Sangdamakmak na katawan ang walang buhay
Matatagpuan kahit saan nalang nakaratay,
Anong nangyari sa bayan?
Pati buhay ng tao hindi na iningatan,
Tuluyan na bang mababaon sa hukay?
O kay lamig, o kay init
Basura sa ilog, dagat at kagubatan
Pagputol ng puno sa kabundukan
Kemikal na dulot ng mga pagawaan
Pangungurakot sa kaban bayan
Hangang kailan, hanggang saan?
O kay lamig, o kay init,
Reklamo ng nakararami
Kailan ka ba magsisi?
Kung ubos na ang mga punot halaman?
pagguho ng mundo at pagsabog ng mga bulkan?
O Kapag magkapatayan para sa kapangyarihan?
O kay lamig, o kay init!
Tila ba unti unting nawawalan ng pagasa
Paano na ang kinabukasan ng bayan
Paano na ang mga batang walang muang
Paano na ang mga pamilyang namatayan
Hanggang tanong nalang ba?
O kay init, o kay lamig
Huwag na sanang magreklamo
Hindi pa ito ang katapusan ng mundo
Madarama pa ang payapang pagtulog
Iyan ay kung uumpisahan mo,
Sa pagbabago mula sa bahay mo...
No comments:
Post a Comment